-- Advertisements --
CAUAYAN CITY – Sugatan ang limang katao matapos na bumangga ang isang ambulansya sa dump truck sa Brgy. Raniag, Ramon, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, papasok sa isang kanto ang dump truck nang bumangga sa likurang bahagi nito ang ambulansiya na pag-aari ng pamahalaang lokal ng Quezon, Nueva Vizcaya.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nayupi ang harap ng ambulansiya at naipit ang drayber na si Allan Bartolome, 47-anyos na residente ng Bagabag, Nueva Vizcaya.
Umabot ng isang oras bago tuluyang nailabas mula sa ambulansiya si Bartolome na agad dinala sa pagamutan.
Maliban kay Bartolome ay nagtamo rin ng sugat ang apat katao na lulan ng ambulansiya na kasalukuyang nagpapagaling na sa pagamutan.