KORONADAL CITY – Umabot sa limang katao ang napaulat na sugatan sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Local ISIS group sa probinsiya ng Maguindanao.
Kinilala ng 6th Infantry Division (6ID) Philippine Army ang dalawang MILF members na sugatan na sina Basit Ulanen at Mindatu Lanson na mga kasapi ng MILF Task Force Itihad na tumutulong sa mga sundalo at sa Bangsamoro regional police sa pag-mentina ng katahimikan sa lugar na inaatake ng BIFF at mga local ISIS group.
Napag-alaman na kasama nina Ulanen at Lanson ang iba pang miyembro ng Task Force upang alamin ang naiulat na presensiya ng BIFF na pinamumunuan ni Abu Toraife sa Brgy. Dasawao, Shariff Saidona, Maguindanao.
Inabangan umano sila ng BIFF at unang pinaputukan kaya’t lumaban sila at nangyari ang ilang minutong palitan ng putok.
Natigil lamang ang putukan matapos na dumating ang pwersa ng 57th Infantry Battalion Philippine Army sa lugar.
Natukoy naman ang sugatan sa BIFF na sina Moctar, Pagal at Guiadil na nakasamang tumakas palayo sa lugar kung saan nangyari ang engkwentro.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang clearing operation ng military sa lugar upang masiguro na wala nang presensiya ng teroristang grupo.