-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Nananatili pa sa ospital ang limang sugatan na biktima sa banggaan ng isang ambulansya at sports utility vehicle (SUV) sa national highway ng Barangay Guinob-an, Lawaan, Eastern Samar.

Kinilala ang driver ng Toyota Innova na si Larry Silhanek, 69-anyos na American national at residente ng Barangay 3 ng naturang bayan.

Ang driver naman ng ambulansya ay isang Carlito Bagas, 57, residente ng Borongan City.

Ayon kay Pol. Lt. Alexander Astorga, officer-in-charge ng Lawaan Municipal Police Station, may sakay na pasyente at dalawang bantay ang ambulansya na papunta sana sa ospital nang manyari ang insidente.

Kinilala ang pasyente na si Winefredo Caraga, 69, at kasama nito ang kanyang anak na si John Sel Caraga, 16, gayundin ang pamangkin nito na si Ryan Cabral, 35, pawang residente ng Barangay San Isidro, San Julian, Eastern Samar.

Sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ng dalawang sasakyan ang parehong direksyon kung saan nang mag-o-overtake na sana ang ambulansya sa SUV ay bigla itong lumiko na nauwi sa salpukan ng mga ito.

Nagtamo ng injury ang dalawang driver at tatlong pasahero nito kasama na ang pasyenteng agad na isinugod sa ospital.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting to physical injuries and damage to properties laban sa driver ng Innova na napag-alamang expired na ang driver’s license.