![Itogon Benguet](https://img.bomboradyo.com/newscenter/2019/07/Itogon-Benguet.jpg)
BAGUIO CITY – Nagpapagaling na ang limang katao matapos masugatan ang mga ito nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang Tamaraw FX sa Barangay Loacan sa Itogon, Benguet.
Nakilala ang may-ari at driver ng sasakyan na si Johnny Galletes, 57-anyos na residente ng Tocmo, Loacan sa bayan ng Itogon.
Ayon sa Itogon-Philippine National Police, nagmula ang FX sa Ambuklao, Bokod sa Benguet at bumabiyahe ito sa Benguet-Nueva Vizcaya Road patungo ng Baguio City.
Napag-alaman na nakatulog ang driver kaya nawalan ito ng kontrol sa manibela ng sasakyan hanggang mahulog sila sa bangin na may lalim na aabot sa 15 metro.
Nagtamo naman ng sugat ang mga pasahero ng FX na nakilalang sina Jonathan Umawing, Nestor Batnagan, Marcelo Buton at Marlino Palkit, pawang nasa legal age at residente ng Tocmo, Loacan, Itogon, Benguet.
Kaagad nagresponde ang mga pulis, bombero at mga barangay officials ng Loacan, kung saan nilapatan ng lunas ang mga biktima bago dinala ang mga ito sa Baguio General Hospital.