-- Advertisements --

BOMBO NAGA- Sugatan ang limang indibidwal kasama na ang dalawang Civilian Armed Forces Geographical Units (CAFGU) at isang menor de edad matapos ang nangyaring pagsabog ng improvised Explosive Device (IED) sa Brgy. Bagamelon, Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Melvin Abocado, 57-anyos, residente ng Libmanan; Joseph Catapangan De Lima, 28-anyos residente ng Minalabac; John Lee Baguio Basangit, 26-anyos, residente ng Canaman, Ria Estoodio Ables, 19-anyos, residente ng Camaligan; at isang 17-anyos na residente naman ng Libmanan sa nasabing lalawigan.

Sa eksklsibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Emyrose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na habang papunta sa isang balon sina De Lima at Basangit para mag-igib ng tubig nang bigla na lamang may sumabog.

Aniya, dahil sa naturang pagsabog, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawa gayundin ang tatlo pang biktima na malapit din sa lugar ng pagsabog.

Agad namang dinala sa ospital ang nasabing mga biktima para sa asistensiya medikal.

Sa kabila umano nito, agad namang nakipag-ugnayan sa Philippine Army ang mga kapulisan kaugnay ng naturang insidente.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon gayundin ang pagtukoy at pagtunton sa mga suspek.