-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Ikinalungkot ngayon ng ilang mga Caraganons ang report na kasama ang limang mga sundalo sa 50 mga namatay dahil sa pag-crash ng kanilang sinasakyang C-130 cargo plane nang ito ay papalapag na sana sa Jolo airport sa lalawigan ng Sulu.

Kasama sa mga namatay ay ang mga taga-Butuan City na sina Pfc. Carlos Jhun Paragua, Philip Dante Camilosa na taga-Brgy. Bit-os at si Sgt. Butch Maestro na taga-Buenavista, Agusan del Norte at ang dalawang mga taga-Agusan del Sur na sina Pfc. Erwin Canton na taga-Sibagat, at Pfc. Carl Dapanas na taga-San Luis.

Patuloy pang inaalam ng Bombo Radyo Butuan ang kabuuang bilang ng mga sundalong Caraganons na kasama sa mga casualties sa nasabing pangyayari.

Sa ekskluksibong panayam ng himpilan, inihayag ni Major Francisco Garello, ang Civil Military Operations (CMO) officer ng 402nd Brigade, Philippine Army, na hindi pa siya makapagpalabas ng pahayag kaugnay sa nasabing insidente dahil inuna muna nila itong ipinagbigay-alam sa pamilya ng mga biktima.