-- Advertisements --

Arestado ang limang hinihinalang illegal recruiter sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU) sa dalawang magkahiwalay na operasyon.

Ayon kay P/Supt. Roque Merdegia, hepe ng CIDG-ATCU, bandang Huwebes ng tanghali nang nadakip ang apat sa mga suspek na nakilalang sina Alexis Glenn; Lio Eireen; Rachelle Nisperos at Lorebel Nismal sa lungsod ng Bacoor, Cavite matapos tumanggap ng P50,000 mula sa limang complainants na pinangakuan nila ng trabaho sa Japan.

Pasado ala-1:00 naman ng hapon, nahuli ng CIDG-ATCU ang isa pang suspek na si Lanie Barroga sa Quezon City matapos tanggapin ang P35,000 mula sa mga complainant na pinanguakuan nya ng trabaho sa New Zealand at Macau.

Ayon sa mga biktima, nahikayat sila ng mga suspek dahil sa mataas na sahod na alok ng mga ito.

Nakapagbayad na raw sila ng pera sa pagproseso ng kanilang mga dokumento at naghihintay na lang sa kanilang pag-alis pero kahit na dumating na araw ng kanilang flight ay hindi naman sila nakaalis ng bansa.

Dito na umano sila naghinala at inalam sa Philippine Overseas Employment Administration kung lehitimo nga ba ang mga naturang mga recruiter.

Matapos mabatid na mga illegal recruiters ang mga ito at dito na nagsumbong sa CIDG ang mga complainants na agad namang inaksyunan ang kanilang sumbong.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong lllegal recruitment at estafa.