CENTRAL MINDANAO – May limang katao umano ang itinuturong sangkot sa pagpatay sa mamamahayag na si Eduardo “Ed” Dizon sa Kidapawan City.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. Bernard Tayong, ang tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office.
Ang mga suspek ay kinabibilangan umano ng dalawang namaril, utak sa pagpatay at dalawang kasabwat.
Tukoy na umano ng mga otoridad ang mga suspek ngunit ayaw pa nilang isapubliko dahil nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon at nakatakda ring sampahan ng kaso ang mga ito.
Dalawang anggulo ang iniimbestigahan ng pulisya, una may kinalaman umano sa politika dahil sa tumakbong municipal councilor si Dizon sa bayan ng Makilala, North Cotabato ngunit hindi pinalad.
Sa kasagsagan nang pangangampanya ay may nakalaban umanong politiko ang biktima.
Pangalawa ayon sa pulisya, posible rin daw may kinalaman sa pagbatikos ni Dizon sa mga investment scheme kung saan may nagbanta sa kanyang buhay na una niyang pina-blotter sa pulisya.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Special Investigation Team ng pulisya sa naturang kaso.