-- Advertisements --

Nasa limang team ang ipinadala ng Office of Civil Defense-(OCD) sa Marawi para magsagawa post conflicts assessment.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) spokesperson Mina Marasigan, ang naturang teams ay maglilibot sa 49 na barangay ng Marawi na “cleared” na ng militar.

Sinabi ni Marasigan na noong Lunes, October 16, idineploy sa Marawi ang 145 personnel na pinangungunahan ng OCD.

Kabilang sa assessment team ay mga kinatawan ng Department of Science and Technology, Department of Trade and Industry Department of Education, Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, Housing and Urban Development Coordinating Council, Department of Information and Communications Technology, National Economic and Development Authority, Mines and GeoSciences, Technical Education and Skills Development Authority, National Electrification Administration, National Housing Authority, at Housing and Land Use Regulatory Board.

Sinabi ni Marasigan na ang teams ay gagawa ng initial survey sa Marawi upang malaman kung ano ang mga kailangang bigyang prayoridad sa isasagawang rehabilitation ang reconstruction na agad isusunod sa oras na tuluyang “ma-clear” ang Marawi.

Aniya, layon ng pamahalaan na hindi lamang itayo ang lahat ng mga nasirang gusali at pasilidad sa Marawi, kundi bumuo ng isang mas magandang komunidad sa dati.

Kaninang hapon ay nagpulong ang executive committee Task Force Bangon Marawi upang i-present ang masterplan sa rehabilitation.