KALIBO, Aklan — Mahaharap sa kasong falsification of documents at Bayanihan to Heal as One Act ang limang turista at isang kasabwat na nemeke umano ng Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests result upang makabakasyon sa isla ng Boracay.
Ayon kay P/Lt. Col. Jonathan Pablito, hepe ng Malay Police Station inaresto sa isang hotel sa isla ang mga turista na kinabibilangan ng apat na babae at dalawang lalaki na pawang nanggaling sa Metro Manila.
Idineretso ang mga ito sa quarantine facility at nakatakdang isailalim sa swab tests.
Pumasok umano ang mga ito noong Disyembre 5 at 6 sa isla, at agad na hinanap matapos makatanggap ang validation team ng email mula sa isang concerned citizen na peke ang gamit nilang mga dokumento.
Lumalabas sa imbestigasyon na isa lang sa kanila ang may orihinal na RT-PCR test result habang peke ang hawak ng lima gamit ang code ng ibang tao.
Sinabi ni Lt. Col. Pablito na simula nang buksan ang isla sa domestic tourists, ito ang unang pagkakataon na may mga turistang gumawa ng pekeng dokumento.