-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nag-iwan ng limang sinasabing miyembro ng New People’s Army (NPA) ang patay sa sagupaan laban sa militar at pulis sa Mabinay, Negros Oriental kaninang madaling-araw.

Ayon sa 11th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army, dakong alas-12:45 ng madaling-araw naganap ang engkuwentro sa Sitio Talingting, Barangay Luyang, Mabinay.

Una rito, nakatanggap umano ang tropa ng pamahalaan ng report mula sa mga barangay officials at mga residente na may armadong mga lalaki na nananatili sa dalawang bahay sa Sitio Talingting.

Habang papalapit ang 11th IB, 94th IB, Regional Mobile Force Battalion 7 at Mabinay-Philippine National Police, dala ang search warrant ni inisyu ni Judge Rosario Cariaga ng Bais City, nagpaputok daw ang mga suspek kaya gumanti ang state forces.

Tumagal ng 30 minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkamatay ng limang terorista.

Kabilang sa mga bangkay na narekober ay kinilalang si alyas Sayas Ribilista na siyang subject ng warrant.

Narekober sa lugar ang tatlong M16 rifles, tig-isang AK47 at .45 caliber pistol, apat na rifle grenades, isang improvised explosive device, iba’t ibang magazine at mga bala, at ilang mahahalagang dokumento na may high intelligence value.

Sa ngayon, tinutukoy pa ang identity ng iba pang namatay.