LEGAZPI CITY – Patay ang limang pinaniniwalaang kasapi ng rebeldeng New People’s Army matapos makasagupa ng pinag-isang pwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa Brgy. Dolos, Bulan, Sorsogon.
Nangyari ang naturang engkwento sa gitna ng umiiral na general community quarantine sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon kay Joint Task Force Bicolandia at 9th Infantry Division, Philippine Army Commander MGen. Fernando Trinidad, mismong ang mga residente sa lugar ang nagpaabot ng impormasyon hinggil sa presensya ng mga rebelde na nabatid na may warrant of arrest.
Kabilang naman sa nakumpiska ng mga otoridad sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong M16A1 rifle, isang M14A1 rifle, M79 grenade launcher, ultimax machine gun, .45-caliber pistol at isang .38-caliber pistol.
Kaugnay nito, siniguro naman ng naturang task force na patuloy ang kanilang kampanya laban sa insurhenya para sa katahimikan sa lugar.
Samantala, patuloy namang pinaghahanap ang iba pang kasamahan ng naturang mga rebelde.