Naaresto ang 5 dayuhan na itinuturing na illegal aliens na sangkot sa mga gawain ng aborsyon o pagpapalaglag ng dinadala sa sinapupunan nang salakayin ang underground wellness clinic sa lungsod ng Pasay.
Kabilang sa naaresto ang isang Vietnamese doctor na natukoy na si Trinh Dinh Sang, 29 anyos, kasama ang 2 pang Vietnamese national na sina Nguyen Duy Quynh, 67 at Pham Thi Nhu Hieu, 28 at 2 Chinese national na natukoy na sina Xie Jun, 36 at Zhai Jian Gang, 43.
Ikinasa ang naturang operasyon sa pagtutulungan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police – Pasay City, matapos makatanggap ng impormasyon na sangkot si Sang sa illegal procedures kabilang ang cosmetic enhancement at abortion.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) intelligence division Chief Fortunato Manahan Jr., nag-disguise ang mga operatiba bilang mga kliyente para sa cosmetic treatments at nang makumpirma ang presensiya ng illegal aliens sa lugar doon na inaresto si Doctor Sam at mga kasamahan nito.
Sinabi naman ni BI Commissioner Norman Tansingco, mahalaga ang pag-aresto sa nasabing mga dayuhnan na sangkot sa iligal na gawain dahil ito ay mapanganib at banta sa public safety.
Samantala, kinumpirma naman ni Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano na walang permits ang naturang clinic habang wala namang visa ang mga empleyado kaya’t inisyuhan ito ng show-cause order.
Mananatili naman si Doctor Sam at mga kasama nito sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang deportation case na inihain laban sa kanila.