BUTUAN CITY – Kakasuhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Caraga ang limang Vietnamese nationals na nahuli ng mga otoridad sa dalawang magka-ibang okasyon sa Lungsod ng Butuan.
Tatlo sa kanila ang nadakip sa labasang bahagi ng Grand Palace Hotel sa Barangay Imadejas nitong lungsod pasado alas-11:30 kagabi habang pa-check in na sana, ngunit hindi pinapasok dahil sa dala nilang dalawang kilo ng Agarwood na mariing pinagbabawal kung walang permit.
Nakuha rin mula kina Nguyen Thi Chung, 40-anyos, babae, residente ng Hanoi; Diep Thi Bich, 45, babae, residente ng Hoa Binh; at Vu Van Trang, 33-anyos, lalaki, residente ng Nam Dinh parehong sakop ng Vietnam ang halos P1.8 million na cash.
Samantala, dalawang iba pang Vietnamese naman ang na-hold sa Bancasi Airport dakong alas-5:00 kaninang madaling araw at patuloy pang inimbestigahan matapos marekober mula sa kanilang posisyon ang kagayang mga kahoy na isinilid sa 17 bags.
Nakuha rin mula sa posisyon nina To Quoc Vo at To Tien Phat, 21-anyos, ang red corals na may timbang na isang kilo at kalahati at ang apat na milyong pisong cash.
Ayon kay DENR team leader James Jumunong, for regular filing ang kasong kanilang isasampa laban sa mga dayuhan upang hindi na tularan pa ng iba.