-- Advertisements --

Limang vintage bomb na ginamit ng sundalong Hapon noong World War 2, nadiskobre sa pinapagawang kampo ng militar sa Sorsogon

LEGAZPI CITY – Nagpadala na ng Explosive Ordinance Disposal Unit ang Philippine Army sa construction site sa Barangay San Francisco, Bulan, Sorsogon matapos na makahukay ng limang vintage bomb sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Infantry Division Public Affairs Office chief Major Frank Roldan, Hulyo 27 ng unang makadiskobre ng isang vintage bomb sa tinatapos na kampo ng militar sa lugar.

Subalit ngayong linggo naman ng muling makahukay ng apat na mga lumang bomba.

Ayon kay Roldan, maingat na kinuha ng Explosive Ordinance Disposal Unit ang mga vintage bomb lalo’t may posibilidad pa itong sumabog kahit matagal ng nakabaon sa lupa.

Nakatakda itong dalhin sa ligtas na lugar na malayo sa kabahayan upang i-dispose o pasabogin.

Naabatid na noong World War 2 ginamit ng mga suldadong Hapon ang lugar bilang kanilang kampo kung kaya hindi na kataka-taka na MAY mga nadidiskobreng bomba dito.

Samantala, tumutulong na ngayon ang Explosive Ordinance Disposal Unit sa pag-inspeksyon sa lugar upang makatulong sakaling muling makahukay ng bomba.