-- Advertisements --

Nakapagtala ng 5 volcanic earthquakes sa bulkang Kanlaon sa nakalipas na 24 oras base sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong araw ng Sabado.

Naobserbahan din ang paglalabas ng bulkan ng 5,798 tonelada ng asupre gayundin naitala ang obscured plumes at pamamaga sa edipisyo ng bulkan.

Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert level 3 ang bulkan na ibig sabihin nasa intensified o magmatic unrest ang bulkan.

Sa ilalim ng alerto, ipinapayo ang paglikas sa mga nasa 6-kilometer radius mula sa summit ng bulkan at ipinagbabawal ang pagpapalipad ng sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkang Kanlaon.

Samantala, sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, apektado pa rin ang nasa 11,791 pamilya o katumbas ng 40,489 indibidwal mula sa Western Visayas at Central Visayas dahil sa pagsabog ng bulkan noong araw ng Lunes.

Sa naturang bilang, kasalukuyang nasa evacuation centers pa rin ang nasa 15,440 indibidwal.