-- Advertisements --

Iminumungkahi ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee ang pagbuo ng isang ‘task force’ na siyang bumalangkas ng 5-year roadmap para sa development, modernization at pangangalaga o pagbibigay proteksiyon sa salt industry ng bansa.

Sa inihaing House Bill No. 5676 o ang Philippine Salt Industry Development, binigyan-diin ni Lee na kailangang lubos na masuportahan at mapangalagaan ng pamahalaan ang local salt stakeholders at kung hindi man ganap na alisin ay mabawasan ng malaki ang pag-angkat ng bansa ng imported na asin.

Sa panukala ni Rep. Lee, magiging tungkulin ng Philippine Salt Industry Development Task Force, makabubuo ang gobyerno ng polisiya para sa pagpapabuti, pagpapalawak at pagpapanatili ng local salt production industry.

Sinabi ni Lee na magiging bahagi rin ng 5-year roadmap ang pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibong pakikibahagi ng lahat ng stakeholders para sa development, management, research, processing, utilization, business development, at commercialization ng Philippine salt.

Aminado si Lee na isang long-term task o mahabang proseso at malaking hamon ang pagbuhay sa industriya ng pag-aasin, subalit positibo ang pananaw ng mambabatas na kung masisimulan na agad, ang bawat taong darating ay katumbas sa unti-unti paghakbang tungo sa katagumpayan.

Sa ilalim ng House Bill No. 5676, kinikilala ang produktong asin bilang isang aquatic resource, kung kaya saklaw ito ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at kailangang kabilang sa mga panuntunan at programa na ipinatutupad para sa pangangalaga at pagpapaunlad ng lahat ng yamang-dagat ng bansa.

Mungkahi pa ni Lee, maglaan ng P1 billion na pondo para sa research and development ng salt production technology at sa iba pang gastusin sa unang tatlong taon ng pagpapatupad ng Philippine Salt Industry Development Roadmap.