CEBU CITY – Tiniyak ng Department of Health (DOH-7) sa publiko na may kakayahan ang Bureau of Quarantine at mga local health units sa kabila ng pangamba sa bagong corona virus mula sa Wuhan, China.
Ito ang naging pahayag ni DOH-7 regional director Dr. Jaime Bernadas matapos na isinailalim sa imbestigasyon ang 5-year old na bata mula sa China na syang nagpositibo umano sa ‘di pa matiyak na corona virus.
Ayon kay Bernadas na alam na ng BOQ, mga health units ng rehiyon, at mga pagamutan ang mga protocols patungkol sa mga corona virus.
Dagdag pa nito, ipinatupad na ang heightened surveillance sa mga paliparan at pantalan batay sa order ni DOH Sec. Francisco Duque III.
Sinabi rin ni Bernadas na dumating sa Cebu ang mag-ina noong Enero 12 mula Guangzhou, China at napag-alamang mula sa Wuhan City ang ina ng bata.
Matapos makitaan ng ilang mga sintomas gaya ng ubo, dinala kaagad ito sa pagamutan at nakuhanan ng laboratory samples.
Nananatiling isolated ang 5-year old na bata, kasama ang ina nito sa isang pagamutan sa Cebu City habang hinihintay nila ang confirmatory test results ng nakuhang sample doon sa Australia.
Pinayuhan naman ng DOH ang publiko na palakasin ang katawan at iwasan ang mga matataong lugar upang makaiwas sa corona virus mula sa China.