Nagnegatibo sa novel coronavirus ang resulta ng pagsusuri sa limang taong gulang na batang lalaki na dumating sa Cebu at may kasaysayan ng pagbiyahe sa Wuhan City, China.
Sa pahayag ng Department of Health (DOH), natanggap na nila ang resulta ng confirmatory test galing Victorian Infectious Diseases Reference Laboratory sa Melbourne, Australia.
Lumabas sa isinagawang test sa samples na kinuha sa bata na negatibo ito sa naturang virus.
Ang nasabing paslit ay unang nakitaan ng kahalintulad na sintomas ng pneumonia at naospital sa lungsod ng Cebu.
Nagpositibo ang bata sa pancoronavirus assay kaya ang kinuhang samples sa kaniya ay ipinadala sa Australia.
Sinabi naman ni DOH Sec. Francisco Duque III, welcome para sa kanila ang nasabing balita na makakatulong na rin daw upang humupa ang mga pangamba ukol sa naturang sakit.
“I assure everyone that your Department of Health will not stop here and is on top of this emerging health event. We will continue to monitor the developing situation and ensure mechanisms to contain the threat of the 2019-nCoV,” ani Duque.