-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Naghihinagpis sa ngayon ang pamilya ng isang limang taong gulang na batang babae na nasawi matapos na kasamang nasunog sa naabong bahay sa lungsod ng Tacurong.

Ito ang kinumpirma ni Fire Officer 2 Kayeson Anthony Ezpeleta, Fire Arson Investigator ng Bureau of Fire Protection o BFP Tacurong sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang nasawa na si Alyas Angel, kabilang sa mga Persons with Disability o PWD dahil hindi ito nakakalakad dulot ng sakit na Polio.

Lumabas sa imbestigasyon ng BFP-Tacurong na nakaranas ng brownout pasado alas-8 kagabi ang pamamahay ng Pamilya Gomia kaya’t nagsindi ng kandila at inilagay sa kanilang altar ang 10-anyos na kapatid ng nasawi sa sunog na pinaniniwalaang pinagmulan ng apoy.

Umiiyak naman na ikinuwento ni Ginang Annisame, ina ng biktima ang sakit na nararamdaman dahil hindi nailigtas ang kaniyang anak.

Nasa kabilang bahay umano siya kagabi dahil may lamay doon at nakita niya na lamang na lumiliyab na ang kanilang bahay.

Nakalabas umano ang 10-anyos na anak nito ngunit naiwan ang 5 yrs old dahil sa hindi ito nakakalakad.

Hindi na nasagip pa ang biktima dahil mabilis na kumalat ang apoy sa buong bahay.

Nahirapan din ang mga kasapi ng bomber na pasukin ang lugar dahil sa may kalayuan ito sa población at hindi nakakapasok ang fire truck sa lugar kung saannangyari ang sunog.

Sa ngayon, nasa area pa ang mga otoridad at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon habang nasa P150,000 naman ang inisyal na pinsala na iniwan ng sunog.

Humihingi naman ng tulong ang pamilyang nasunugan sa pagpapalibing ng kanilang anak.