CAUAYAN CITY – Kinumpirma ni Governor Carlos Padilla ang ikatlong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ang panibagong kaso ay isang 5-taong gulang na batang babae, residente ng Barangay Galintuja, Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.
Ang bata ay walang travel history sa Maynila at sa labas ng bansa subalit nakaranas ito ng lagnat, ubo at sipon kung kaya’t kaagad itong inadmit sa Premier General Hospital sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Carlos Padilla, sinabi niya na palaisipan sa kanila kung paano nagkaroon ng coronavirus ang bata dahil mabundok at liblib ang kanilang barangay.
Nakatakdang ilipat sa Regional Trauma and Medical Center (RTMC2) sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya ang bata dahil sa walang kakayahan ang Premier General Hospital na tugunan ang kaso ng COVID-19.
Agad na magsasagawa ng contact tracing ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa mga maaaring nakasalamuha ng nasabing pasyente.