CEBU CITY – Natupok ang hindi bababa sa 50 pamamahay matapos sumiklab ang malaking sunog sa Sitio Lourdes, Brgy. Inayawan, sa lungsod ng Cebu.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Cebu City Fire Department, sumiklab ang malaking apoy mula sa bahay nina Clarissa at Joseph Bonghanoy.
Natanggap naman ng mga bombero ang alarma dakong alas-4:37 nitong nakalipas na Biyernes ng hapon at itinaas ito sa third alarm bago mag-alas-5:00 ng hapon.
Dineklarang “under control” ang naturang sunog pagsapit ng alas-5:20 ng hapon.
Ayon sa imbestigador na si Fire Officer 2 Fulbert Navarro na nawalan ng bahay ang halos 70 pamilya at aabot sa P100,000 ang naitalang danyos.
Wala namang nasawi ngunit isa ang sugatan sa naturang trahedya.
Inaalam pa ng mga fire investigator kung ano ang dahilan ng naturang sunog.