BACOLOD CITY – Tinatayang 50 bahay ang nasira kasabay ng pagdaan ng buhawi sa Purok Tondo, Barangay Malingin, Bago City, Negros Occidental kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Punong Barangay Janette Yasay, inihayag nito na karamihan sa mga bahay ay gawa sa “light materials” ngunit inaalam pa kung ilan dito ang totally at partially damaged.
Ayon kay Yasay, nagpapatuloy ang assesment report nila upang maisumite sa Bago City government at matulungan ang mga residente.
Nananawagan naman ng tulong ang isang ina matapos na nagiba ang bahay nito.
Kuwento ng nagngangalang Moniel Dieldo, nasa loob ito ng kanilang bahay at nag-aalaga ng kanyang anak na may sakit na meningitis nang dumaan ang buhawi.
Hindi nito inasahan na lalakas ang hangin kasabay ng biglang pagdilim ng paligid at pagbagsak ng ulan.
Nawalan din ng supply ng kuryente ang nasabing barangay matapos matumba ang ilang poste.
Nitong Martes lamang ay umabot sa 15 bahay ang nasira sa Barangay Abuanan, Atipuluan at Ma-ao sa parehong lungsod dahil din sa buhawi.