NAGA CITY – Inabot na ng madaling araw bago naapula ang naitalang forest fire sa bundok na bahagi ng Sitio Balanga, Barangay Macag sa bayan ng Pasacao, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO4 Jose Antero Naval, kinumpirma nito na nagsimula ang sunog alas-5:00 kahapon at kaninang alas-4:30 lamang ng madaling araw nang ideklara nila itong fire out.
Binantayan umano nila ng magdamag ang nasabing sunog dahil hindi kayang abutin ng kanilang fire truck ang nasabing area.
Ayon kay Naval, malaking tulong sa hindi na pagkalat pa ng apoy pababa sa mga residente ang tinatawag na control line sa bundok.
Kaugnay nito, wala naman umanong nadamay at nasugatan sa nasabing pangyayari.
Umabot aniya sa 50 ektarya sa bundok ang napinsala ng nasabing sunog.
Napag-alaman na nasa ibaba lamang ng nasabing bundok ang isang army detachment na hindi naman aniya napinsala ng nasabing sunog.
Pinaniniwalaan naman ng otoridad na naiwang bonfire ang pinagmulan ng forest fire na posible umanong gawa ng mga naghahanap ng pukyutan.