-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tinatayang 50 ektaryang kagubatan ang nilamon ng apoy sa kabundukan ng San Dionisio, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay FO1 Cyril Bestoso ng Sara Fire Station, sinabi nito na isa sa tinitignang anggulo ng otoridad na posible pinagmulan ng apoy ay ang pagkakaingin sa lugar.

Ayon kay Bestoso, nahirapan umano ang firetruck na akyatin ang lugar dahil sa malalaking bato at walang daan.

Samantala, ayon kay Bestoso, may nakuha silang testigo na nagturo kung sino ang taong nagsiga sa lugar na naging dahilan ng sunog.

Nakatakda namang ipatawag ng Municipal Environment and Natural Resources Office at Bureau of Fire Protection (BFP) ang tinuturong responsable sa nangyaring forestfire upang maimbestigahan.