Siniguro ng Philippine Sports Commission (PSC) na hindi pangmatagalan ang 50 porsyentong tapyas sa buwanang allowance ng mga atleta at coach na kabilang sa national pool.
Una rito, ipinaliwanag ng PSC na ang nasabing hakbang ay bunsod ng malaking pagkabawas sa natatanggap nilang monthly remittance mula sa Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR).
Dahil dito, napilitan silang maghigpit ng sinturon lalo pa’t mula sa buwanang pondo na P150-milyon, sumadsad na lamang sa P9-milyon ang kanilang natanggap noong Abril.
Pero ayon kay PSC chairman William “Butch” Ramirez, sa oras na magpatuloy nang muli ang kanilang koleksyon sa PAGCOR ay babalik na sa normal ang sitwasyon.
Bagama’t aminado ang sports official na mabigat sa kanilang loob ang pagtatapyas sa allowance, ngunit ito raw ang pinakamainam na opsyon ngayong humaharap ang bansa sa COVID-19 crisis.
“Otherwise, if we continued with the regular allowance, we wouldn’t last until December,” wika ni Ramirez.
Batay sa kasalukuyang panuntunan ng ahensya, nakatatanggap ng P45,000 kada buwan ang mga top athletes, habang P10,000 naman sa mga miyembro ng training pool.
“Pag bumalik yung pera mula sa PAGCOR, ibabalik din namin yan sa mga atleta. That money is intended for the athletes,” ani Ramirez.
Nabatid na nanggagaling ang pondo ng PSC sa buwanang kita sa casino ng PAGCOR, at nagiging bahagi na ito ng National Sports Development Fund sa oras na mapunta sa kamay ng government sports agency ang nasabing pera.
“It breaks our hearts. Pero kapag bumalik yan (NSDF), we are committed to spend it for the athletes. The purpose of that funding is to spend it,” dagdag nito.