Pabor ang kalahati o 50% ng Filipino adult population na gawing legal sa Pilipinas ang diborsyo para sa mga mag-asawang “irreconcilably separated” base sa resulta ng First Quarter 2024 Social Weather Report.
Naniniwala ang mga ito na ang mga mag-asawang naghiwalay na at hindi na maayos pa ay dapat na payagang mag-divorce para legal na makapagpakasal muli.
Bumaba ang pumabor sa pagsasalegal ng diborsyo mula sa 65% na naitala noong Marso ng nakalipas na taon.
Sa parehong survey, nasa 31% ng mga Pilipinong adults ang hindi pabor sa diborsyo habang 17% naman ang undecided sa isyu.
Ayon sa SWS, mataas ang bilang ng mga pabor sa diborsyo sa mga indibidwal na mag-live-in partners kumpara sa mga hindi pa ikinasal, nabalo, naghiwalay na mag-asawa at mga ikinasal na.
Kung saan pinakamataas sa Metro Manila, sinundan ng Balance Luzon o sa labas ng Metro Manila, Visayas at Mindanao.
Pagdating sa relihiyon, sinabi ng SWS na ang net agreement score sa legalization ng divorce sa bansa ay pinakamataas sa ibang Christian denominations na nasa +21, sa Romano Katoliko +20; sa mga Muslims nasa +11. Samantala, ang isyu sa diborsyo sa bansa ay “moderately weak” naman para sa Iglesia ni Cristo na nasa -10.
Isinagawa ang naturang survey sa 1,500 adults mula Balance Luzon, Metro Manila, Visayas at Mindanao mula Marso 21 hanggang 25 ng kasalukuyang taon.