DAVAO CITY – Matagumpay na na-rescue ang isang lalaki matapos itong ma-trap sa ilalim ng tulay kasabay ng pagragasa ng malakas na baha sa Lasang river kaninang madaling araw.
Nabatid na hindi inakala ng mga residente sa lugar ang biglaang pagtaas ng tubig baha kahit na mahina lamang ang nararanasan na pag-ulan.
Sinasabing mas malakas ang buhos ng ulan sa bundok dahilan na mabilis ang pagtaas ng tubig baha sa ilang mga ilog sa siyudad.
Agad naman na rumesponde sa lugar ang mga personahe ng Bureau of Fire Protection (BFP)-11 , City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMC) at Marine Reservists matapos matanggap ang impormasyon na may isang lalaki na na-trap sa ilalim ng tulay.
Matagumpay itong naligtas ng mga rescuers at nasa mabuti naman itong kalagayan.
Ilang mga residente rin ang inilikas lalo na ang mga naninirahan sa gilid ng Lasang river at dinala ang mga ito sa St. John Baptist Parish, sa Purok Sag. I, Sag.II & Aquarius sa nasabing lugar.
Nasa 50 ang pamilya na inilikas na kinabibilangan ng 172 na mga indibidwal, 96 na mga adult at 76 na mga bata.
Nagpaalala naman ang CDRRMO sa mga nasa low lying areas na manatiling alerto sa mga nararanasan na mga pagbaha.