LEGAZPI CITY – Mapalad na minor injuries lamang ang tinamo ng aabot sa 50 mga pasahero na lulan ng isang bus, matapos itong mahulog sa bangin sa bahagi ng Brgy. Hidhid, Matnog, Sorsogon.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Legazpi sa Matnog Municipal Police nabatid na nanggaling ang naturang bus sa Metro Manila at patungo sana sa Matnog, Sorsogon subalit pagdating sa naturang lugar ay nawalan ng kontrol ang driver sa pakurbang kalsada.
Dahil dito, tuluyan nang nahulog sa bangin ang Eagle Star passenger bus na minamaneho ng isang Felix Calipes, 32, at residente ng P7, Oquendo Poblacion, Calbayog City.
Kaugnay nito, agad namang itinakbo sa pagamutan ang mga nagtamo ng sugat upang malapatan ng lunas.
Sa kasalukuyan ay hawak na rin ng Matnog PNP ang driver ng bus na si Capiles para sa kaukulang atensyon.