Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas ang 50 Pilipinong gurong nasa ilalim ng exchange program na nasa Maui island, Hawaii kasunod ng malawakang wildfires.
Una ng iniulat ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega noong nakalipas na linggo na tinutunton na ng Konsulada ng Pilipinas ang mga Pilipinong guro na ito matapos na sumiklab ang wildfires sa bayan ng Lahaina sa Maui.
Ayon pa sa DFA official, ang tatlo sa mga ito ay nakabase sa Lahaina subalit hindi apektado ng wildfires.
Ang nasabing mga Pilipinong guro ay may hawak na J1 visas na iginagawad sa mga dayuhang nasa work-and-study-based exchange program at visitors program ng Estados Unidos.
Kung matatandaan, una ng kinumpirma ng mga awtoridad na apat na Filipino-Americans na ang patay dahil sa wildfires.
Pinakabago sa natukoy na nasawi ang 76 anyos na si Rodolfo Rocutan mula Ilocos.
Ang iba pang nasawi ay natukoy na sina Conchita Sagudang at kaniyang anak na si Danilo mula sa lalawigan ng Abra at Alfredo Galinato na naging naturalized US citizen matapos mag-migrate na tubong Ilocos region.
Samantala, mahigit 800 katao pa ang kasalukuyang pinaghahanap sa Maui island kasunod ng pinsalang iniwan ng wildfires.