-- Advertisements --

Karagdagang 500 police personnel ang idedeploy ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa Maynila para tiyakin na magiging maayos at mapayapa ang selebrasyon ng Eid’l Fitr ng mga kapatid nating Muslim sa darating na Lunes June 26.

Ayon kay MPD Spokesperson P/Supt. Edwin Margarejo, dalawang lugar sa Maynila ang kanilang tinututukan na siyang magiging venue ng mga Muslim para ipagdiwang ang Hariraya, ito ay ang Golden Mosque sa Quiapo at sa Quirino Grandstand.

Sinabi ni Margarejo na bukod sa mga uniformed police personnel na kanilang ipapakalat sa mga nasabing venue, may mga plain clothes policemen ding idedeploy.

Aniya, sa araw ng Linggo pa lamang ay magsisimula na ang kanilang deployment.

Inaasahan ng MPD na nasa mahigit 2,000 Muslim ang dadalo sa prayer sa Quirino Grandstand.

Nanindigan din ang Manila Police District na wala silang namomonitor na banta sa selebrasyon ng Hariraya.

Pagbibigay-diin ni Margarejo na aasahan na magiging mahigpit ang seguridad sa lugar at magsasagawa sila ng mga checkpoint.

Maliban pa rito ang paneling sa K-9 dogs sa Golden Mosque at Quirino Grandstand.

Hinimok naman ng MPD ang mga sibilyan sa lugar na agad ireport sa pulisya kapag may nakitang mga kahina-hinalang indibidwal at mga bagahe.