-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakarating na sa Abra ang 500 na karagdagang puwersa ng militar na magbabantay doon sa gaganaping midterm elections sa Lunes, May 13.

Nagmula ang mga ito sa 45th Infantry Battalion (IB) sa ilalim ng 1st Brigade Combat Team sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

Tutulong sila sa mga sundalo ng 24th Infantry Battalion na nakabase sa Lagangilang, Abra, at sa mga pulis.

Ayon kay Lt. Col. Nolito Quemi, Battalion Commander ng 45th IB, magsisilbing quick reaction team ang augmentation force sa mga tinututukang bayan sa nasabing lalawigan.

Kasabay nito, ipinangako nila na mananatili silang non-partisan sa pagpatupad ng kanilang security operations.

Dahil dito, aabot na sa halos 1,000 ang puwersa ng military sa lalawigan habang mahigit 1,000 naman ang puwersa ng pulisya na magtutulungan para mabantayan ang halalan doon sa Lunes.

Itinuturing naman ni P/Col. Alfredo Dangani, acting provincial director ng Abra-Philippine National Police, na malaking tulong ang augmentation ng militar sa lalawigan.

Inilatag na rin kahapon ang deployment plan sa mga ito.

Nabatid na ang Abra ay nasa red category ng election hotspot ngayong eleksyon.