-- Advertisements --
BUCOR CHIEF CATAPANG

Kinumpirma ng Bureau of Corrections na nakapag lipat sila ng aabot sa limang daang high profile inmate sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Mindoro nitong Agosto 10 lamang ng kasalukuyang taon.

Ang mga ito ay binubuo ng mga kalalakihan at mga kababaihang bilanggo mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Ayon kay Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. mahirap ang magiging buhay ng mga ito sa naturang kulungan dahil kabundukan aniya ito at mahina ang signal sa lugar.

Bukod dito ay may kanya-kanya silang selda na magkakahiwalay .

Siniguro rin ni Catapang na walang makakatakas na mga high profile inmate sa Sablayan dahil ito ay isang super maximum na kulungan.

Samantala, sinabi Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. na tinapyasan na nila ang allowable na pera ng mga PDLs sa kanilang mga virtual wallet mula sa P 2,000 hanggang sa P 1,000 na lamang.

Ayon kay Catapang, ipinagutos na niya ang pagrereview sa mga virtual wallet ng mga inmate at maaari lamang silang magkaroon ng isang libong piso sa kanilang account sa loob ng isang linggo.

Ginawa ng opisyal ang naturang mga panuntunan matapos hilingin aniya ng ilang senador na ayusin nito ang NBP.

Nagsasagawa naman ngayon ng magkahiwalay na imbestigasyon ang Senado at Kamara dahil sa mga kinakaharap ng kontrobersiya ng nasabing piitan.

Kabilang na dito ang pagkawala ng inmate na si Michael Cataroja noong Hulyo a 15 na nagresulta naman sa pagkakadiskubre sa umanoy buto ng tao sa loob ng septic tank sa bilibid.

Kalaunan, sinabi ng National Bureau of Investigation na ito ay hindi nagmula sa tao kundi sa isang manok.