-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Lumikas na ang 500 pamilya sa Brgy. Dungguan Datu Montawal, Maguindanao kasunod nang pagsiklab ng bakbakan ng dalawang armadong pamilya.

Ayon kay 602nd Brigade commander, Brig. Gen. Alfredo Rosario, nagkasagupaan ang dalawang field commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa naturang barangay.

Ang dalawang grupo ay may personal na alitan sa kanilang pamilya dahil sa issue ng agawan sa lupa.

Kaya naman sinuspinde na rin ang pasok sa Balogo Elementary School at Matalam Farm Resettlement Elementary School sa Brgy Dungguan, Datu Montawal, gayundin sa Mamalimping Elementary School sa bayan ng Pagalungan.

Kasalukuyang nasa mga bayan ng Datu Montawal at Pagalungan, Maguindanao ang mga lumikas na residente.

Agad namang namahagi ng tulong sa mga sibilyang lumikas sina Datu Montawal Mayor Datu Otho Montawal at Vice-Mayor Datu Vicman Montawal.

Sa ngayon ay nagdagdag pa ng pwersa ng militar at pulisya sa bayan ng Datu Montawal na siyang mangangalaga sa mga bakwit habang kumilos na rin ang pamunuan ng MILF para mapahupa ang gulo.