Nakatakda umanong regaluhan ng Filipino community sa Rome si Pope Francis ng isang painting bilang selebrasyon sa ika-500 anibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ayon kay Fr. Ricky Gente ng Filipino Chaplaincy sa Rome, ang nasabing painting na obra ng Pinoy artist na si Ryan Carreon Aragon ay ibinigay ng isang pamilya para sa Santo papa.
Sa nasabing obra maestra, makikita si Ferdinand Magellan na ibinibigay kay Doña Juana ang inahe ng Sto. Niño.
Una rito, sinabi ni Gente na pamumunuan ng Santo Papa ang mga Pinoy sa Italya sa paggunita sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa kapuluan sa pamamagitan ng Misa sa St. Peter’s Basilica sa Marso 14.
Ila-livestream naman aniya ang Misa mula sa Vatican upang maabot ang mga Pilipino sa iba’t ibang parte ng mundo.
Kasama ng Catholic pontiff sa okasyon ang Pilipinong si Luis Antonio Cardinal Tagle na siyang prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples, at si Cardinal Angelo De Donatis, ang Papal vicar ng Rome.