Sisimulan na sa Enero 1, 2021 ang 5,000 ceiling o cap para sa mga idi-deploy na healthcare workers sa iba’t ibang bansa.
Magugunitang sa pagsisimula ng COVID-19 pandemic, pansamantalang sinuspinde ng pamahalaan ang deployment sa ibang bansa ng ating medical healthcare workers para tugunan ang sariling pangangailangan natin sa healthcare workers.
Pero kamakailan lamang ay pinayagan na muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment sa mga ito na may kaakibat na kondisyon na hanggang 5,000 healthcare workers lamang kada taon ang pwedeng payagang ma-deploy abroad.
Sinabi ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) administrator Bernard Olalia, kapag naabot na ang 5,000 cap ng healthcare workers deployment, magsasagawa sila ng assessment at magsusumite ng rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF).
Inihayag ni Undersecretary Olalia na dito malalaman depende sa gagawing pag-aaral kung may pangangailangan na magdagdag pa ng bilang ng mga healthcare workers na ipadadala sa ibang bansa.