Nasa 5,000 overseas Filipino worker (OFWs) ang nakatakdang umalis sa Pilipinas patungo sa bansang Taiwan sa susunod na linggo sa muling pagbubukas ng PH borders para sa ibang bansa noong Pebrero 15.
Ito ay matapos na i-anunsyo ng Central Epidemic Command Center (CECC) noong Pebrero 7 ang muling pagpapahintulot sa pagpapasok sa naturang bansa ng mga fully vaccinated migrant workers mula sa Pilipinas, Vietnam, Indonesia, at Thailand.
Sinabi ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Deputy Administrator Villamor Plan na nasa ang nasabing mga mangagagawa ay may mga hawak nang visa bago pa man ipatupad ang deployment ban sa Taiwan noong nakaraang taon.
Ayon pa sa opisyal, bukod dito ay tinatayang nasa kabuuang 40,000 ang bilang ng mga OFW ang maipapadala ng bansa sa Taiwan.
Pinaalalahanan naman ni Plan ang mga naturang OFW na ang mga gastusin na may kinalaman sa protocol ay sasagutin ng kanilang employer o ng recruitment agencies.
Kinakailangan din na sumailalim sa 14 days quarantine at panibagong pitong araw na self-health monitoring ang mga ito sa kaparehong quarantine hotel bago magtungo sa lugar ng kanilang mga trabaho.
Sa bukod naman na panayam ay sinabi ni CECC head Chen Shih-chun na hindi papaikliin ang quarantine para sa mga manlalakbay mula sa ibang bansa hanggang sa magkaroon sila ng 50% booster vaccine coverage na inaasahan naman nilang maaabot sa pagsapit ng buwan ng Marso ng taong ito.
Samantala, sinabi din ni Plan na maraming demand ngayon o maraming mga bansang nagnanais na kumuha ng mga manggagawang Pilipino lalo na pagdating sa health sector ngunit pangunahin aniyang kailangang isaalang-alang ng pamahalaan ang personal demand ng bansa dahilan kung bakit aniya may ipinapatupad na deployment cap dito kung saan ay tanging 7,000 na mga healthcare workers lamang ang maaaring mapahintulutang mangibang-bansa.
Magugunita na noong Mayo 2021 ay isinara ng Taiwan ang kanilang borders sa sinumang dayuhan na walang citizenship o alien residency certificate.