CAUAYAN CITY – Aabot sa halos 5,000 benepisyaryo ang natulungan ng Bombo Medico 2019 sa Isabela pati na mula sa mga kalapit na lalawigan sa Cagayan region.
Batay sa datos ng Bombo Radyo Cauayan, nasa P1-milyong halaga ng mga gamot ang naipamahagi ng himpilan sa programang idinaos sa Our Lady of Pillar College.
Kabilang sa mga serbisyong pinakinabangan ng mga dumalo ang libreng medical, dental at optical check up.
May libreng blood sugar at blood typing test; legal assistance, masahe, gupit at school supplies sa mga bata.
Nagpasalamat ang isa sa mga natulungan ng Bombo Medico na si Grace Bartolome dahil sa natanggap na wheelchair mula sa donors.
Higit isang buwan na raw kasi niyang iniinda ang pagkaipit ng mga ugat sa paa makaraang madulas at hindi na makalakad ng ayos.
Labis din ang pasasalamat ng isang lolo at kanyang misis na nakatanggap ng gamot para sa diabetes.
Ayon kay Samson Dumali, 86, malaking bagay ang dagdag na maintenance na gamot na kanilang natanggap ng asawa na pareho ring diagnosed ng high blood.
Nagpaabot din ng pasalamat ang magpipinsan na sina Princess Cunanan, Mely Cunanan, Jessie Mae Garcito at Ivan Hero matapos makapagpa-bunot ng ngipin.
Samantala, sumentro naman daw sa mga problemang may kinalaman sa pag-aari at lupa ang idinulog ng karamihan sa higit 200 nagpakonsulta sa libreng legal assistance.