-- Advertisements --

Inanunsiyo ng military junta leader ng bansang Myanmar na papalayain ang nasa mahigit 5,000 katao na ikinulong matapos ang walong buwan na nangyaring coup d’ etat na nagpatalsik sa civilian government noong Pebrero.

Ginawa ni Min Aung Hlaing ang naturang anunsiyo ng paggawad ng amnestiya sa mga protesters matapos na magdesiyon ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) noong Biyernes na hindi isama si Hlaing sa nalalapit na regional summit dahil sa pangangasiwa ng military government sa nangyayaring krisis sa bansa.

Ayon sa Assistance Association for Political Prisoners, nasa mahigit 7,300 katao ang kasalukuyang nasa kulungan sa naturang bansa.

Nauna ng pinalaya ng Myanmar junta ang nasa mahigit 2000 anti-coup protesters sa bansa noong Hulyo kabilang na ang mga journalist na kritiko ng military government.