-- Advertisements --

Ibabalik na sa South Korea ang mahigit 5,000-toneladang basura na iligal na ipinuslit sa Mindanao at nananatiling nakatambak doon matapos ang dalawang taon.

Ayon sa mga environmental groups na EcoWaste Coalition at Interfacing Development Interventions for Sustainability (Idis), kinumpirma raw sa kanila ni Customs-Region 10 port officer John Simon na ibibiyahe na pabalik sa South Korea ang mga basurang itinambak sa Phividec Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental mula noong Hulyo 2018.

Sa darating na Enero 19 ay isasauli na raw sa naturang bansa ang 60 container van ng basura mula Verde Soko Philippines Industrial Corp., habang ang iba pang mga basura ay ibabalik sa Pebrero 9 ng mga vessel mula Maersk International Shipping Lines na siyang official carrier.

Tumitimbang ng 5,000 metric tons ang unang batch ng mga basura na dumating sa Mindanao International Container Terminal (MICT) noong Hulyo 2018.

Nasa 1,500 metric tons naman ang ikalawang batch na naipuslit noong Oktubre ng nasabi ring taon, ngunit naibalik din ito sa South Korea kalaunan matapos ang kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Seoul.