Tinatayang aabot sa halos 5,000 trabaho ang ilulunsad sa gaganaping ikaapat na Department of Labor and Employment (DOLE) Project DAPAT Job Fair na siyang maguumpisa sa Enero 28 hanggang 29, ng taong kasalukuyan mula 9:00am ng umaga hanggang 6:00pm ng gabi sa SMX Convention Center, Mall of Asia Complex, Pasay City.
Ito ay para matulungan ang mga manggagawang apektado sa naging pagsasara ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuluyang pagbabawal sa mga operasyon ng POGO sa bansa.
Inaasahang makikiisa naman ang 126 na lokal na kumpanya at 6 na overseas employers mula sa iba’t ibang sektor tulad ng BPO, logistics, finance, food and beverage, at retail. Magkakaroon din ng One-Stop Shop para sa mga kinakailangang dokumento ng mga aplikante, kasama ang SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, NBI clearances, at iba pa.
Samantala, hinihimok naman ang mga aplikante na magdala ng maraming kopya ng kanilang updated resume, sariling ballpen, valid ID’s at mga pre-employment application requirements.