Target umano ng pamahalaan na kumuha ng nasa 50,000 contact tracers sa Hulyo sa harap ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Interior Sec. Eduardo Año, nakukupag-ugnayan pa rin ang Department of the Interior and Local Government sa Department of Health kaugnay sa panibagong mga tracers.
“Sa ngayon kasi ang contact tracing team members natin ay nasa mga 35,000. Eh, ang kailangan natin is about 94,000, additional 94,000 ang kailang natin, so we start with 50,000,” wika ni Año sa isang panayam.
Paliwanag pa ng kalihim, hindi naman daw kinakailangan na buong bansa ay may tracers, at doon lang daw nila ibubuhos ang konsentrasyon sa mga lugar na may maraming kaso.
Tiniyak naman ni Año, maliban sa ilang mga benepisyo ay bibigyang ng disenteng sahod ang mga contact tracers na makukuha.
“Ang salary nila is, I think, P20,000… tapos syempre contractual ito, no? Hindi naman ito regular kasi one year lang naman ‘yung ating gusto tapos renewable na lang,” anang kalihim.
Una nang sinabi ng mga otoridad na sa kanilang pagtataya ay nasa 136,000 contact tracers ang kailangan ng pamahalaan.