Natanggap na ng Pilipinas ang 500,000 doses ng pentavalent vaccines kontra sa 5 sakit kabilang na ang pertussis o whooping cough.
Ayon sa Department of Health, dumating ang naturang mga bakuna sa bansa ngayong Agosto at kasalukuyang nasa cold storage habang isinasapinal pa ang mga dokumento para pahintulutan ang distribusyon nito sa mga health center ng pamahalaan sa buong bansa.
Hindi naman binanggit ng DOH kung saan galing ang naturang mga bakuna subalit inanunsiyong karagdagan pang 750,000 doses ng pentavalent vaccine ng inaasahan pang darating sa susunod na linggo.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, sinimulan na ng kinontratang supplier ng PH ang paghahatid ng pentavalent vaccines na poprotekta sa mga batang Pilipino na nasa 6 na linggong gulang pa lamang.
Samantala, base sa report mula sa DOH bumaba na ang naitalang kaso ng pertussis simula noong Hulyo na nasa 50 cases per week, bumaba ito mula sa 300 cases per week noong Abril.
Habang mula Agosto 4 hanggang 17 naman nasa 19 ang naidagdag na dinapuan ng naturang sakit.
Ang pertussis nga ay isang nakakahawang sakit na maaaring kumalat sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahin ng isang taong dinapuan ng sakit kung saan karaniwang tinatamaan nito ay mga bata at sanggol.
Matatandaan na nagdeklara noong Abril ang ilang lugar sa bansa ng pertussis outbreak dahil sa paglobo ng kaso kabilang ang Quezon city, Iloilo city at Cavite.