Plano raw ng United Arab Emirates (UAE) na magbigay ng kalahating milyong coronavirus vaccines sa Pilipinas.
Ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., binabalak umano ng UAE na mag-donate ng 500,000 doses ng Sinopharm vaccine. Bukod pa ito sa isang milyong doses na ibinigay ng China sa Pilipinas.
Sa ngayon ay hindi pa nakakakuha ng emergency use approval ang Sinopharm para ipamahagai ang ginawa nitong bakuna dito sa Pilipinas. Ang tanging iginawad lang kasi ng Food and Drug Administration (FDA) ay compassionate permit sa Presidential Security Group para sa paggamit ng 10,000 doses ng Sinopharm noong Pebrero.
Batay sa impormasyon, mayroong 79 percent efficacy rate ang bakuna na dinevelop ng nasabing Chinese drug manufacturer.
Aabot na ng 4 million coronavirus vaccines ang natanggap ng Pilipinas, kasama na rito ang 500,000 Sinovac vaccines na dumating kahapon. Mahigit 1.5 milyong indibidwal naman ang nabakunahan na matapos umarangkada ang libreng pagbabakuna ng pamahalaan noong Marso.
Inaasahan naman na dadating sa bansa ang dagdag pang vaccine supplies kung saan ang initial batch ng Sputnik V mula Russia ay ipapadala sa bansa sa Mayo 1.