-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Muling binuhay ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang dating unit nito na 501st Infantry Brigade.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Major Jekyll Dulawan, hepe ng Division Public Affairs Office DPAO ng 5th ID na dati ng may unit ang 5th ID na 501st Infantry Brigade pero dahil sa kaguluhan sa Mindanao ay dinala noong 2014 at napunta sa Jolo, Sulu at isinailalim sa 11th Infantry Division Phil. Army.

Dahil handa nang maitalaga ang mga sundalong isasailalim dito ay ipinadala na sila kahapon.

Aniya, ang nasasakupan ng binuhay na unit ay sa Cagayan at Apayao.

Isinailalim sa pangangasiwa nito ang 77th Infantry Battaliob at 17th Infantry Battalion na nasa Cagayan ngayon.

Pangunahin sa magiging misyon ay buwagin ang insurhensiya sa mga naturang lugar.

Bukod dito ay handa rin sila sa pagtulong kapag mayroong kalamidad.

Habang hinihintay ang pagkaapruba sa pag-upo ng magiging brigade commander ay pamumunuan muna pansamantala Col. Rhenato Salvador bilang Officer-In-Charge.

Nilinaw ni Major Dulawan na ang pagbuhay sa 501st Infantry Brigade ay pagpapakita ng pagiging seryoso ng pamahalaan na maihatid ang tunay na kapayapaan sa mga mamamayan at nang maging tuloy-tuloy ang pag-unlad ng iba’t ibang lugar.