CENTRAL MINDANAO – Nagpatupad ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Lutayan sa Sultan Kudarat dahil sa landslide.
Umaabot sa 51 pamilya ang sapilitang inilikas mula sa Purok Nursery, Barangay Tananzang sa bayan ng Lutayan.
Dulot ito ng walang humpay na pag-ulan at pagguho ng lupa.
Sinabi ni Al Ryan Limbo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Lutayan na gumuho ang gilid ng bundok sa naturang lugar kaya agad silang nagpatupad ng forced evacuation.
Ang mga residente ay pansamantalang naninirahan sa kapilya at mga ligtas na lugar sa Lutayan.
Nagsagawa rin ng assessment ang local government unit at tanggapan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa naturang lugar at pinagbawal muna ang pagtira o pananatili sa posibling landslide.
Samantala,binaha rin ang bayan ng Lutayan pagkatapos umapaw ang El Bangon River dulot pa rin ng pag-ulan.