-- Advertisements --

COLOMBO – Patay ang 52 katao sa Sri Lanka nitong araw sa magkakahiwalay na pagsabog sa iba’t ibang high-end na hotels at simabahan.

Ayon sa isang police official na tumangging pangalanan, 42 katao ang nasawi sa Colombo, kung saan tatlong hotels at isang simbahan ang pinasabugan.

Karagdagang 10 katao ang kumpirmadong patay din sa bayan ng Batticaloa, sa east side ng bansa, kung saan isa pang simbahan ang naging target ng pagsabog.

May mga napaulat din casualties sa pagsabog sa isang simbahan sa hilagang bahagi ng Colombo.

Dahil dito, inaasahan na tataas pa ang bilang ng mga nasawing biktima.

Sa ngayon, hindi pa natutukoy ng mga otoridad ang dahilan sa pagpapasabog at wala ring umaako pa ng responsibilidad dito.

Ikinagulat ni President Maithripala Sirisena ang insidenteng ito at umapela sa publiko na manatiling kalmado.

Sa kanyang Twitter account, sinabi naman ni Finance Minister Mangala Samaraweera na maraming inosenteng tao ang nasawi sa magkakahiwalay na mga pagsabog.

Lumalabas aniya na “well-coordinated attempt” ito para magdulot ng pangamba sa publiklo.

Nabatid na ang unang pagsabog ay napaulat na nangyari sa St Anthony’s Shrine, isang simbahan sa Colombo at St. Sebastian’s Church sa bayan ng Negombo.

Ilang dosenang tao ang sugatan sa pagsabog sa St. Anthony, na isinugod naman sa Colombo National Hospital kaninang umaga.

Ilang sandali lamang pagkatapos ng mga pagsabog na ito, kinumpirma rin ng pulisya na tatlong hotels sa capital ang pinasabugan din, pati na rin ang simbahan sa Batticaloa.

Sinabi ng isang opisyal ng Cinnamon Grand Hotel na nangyari ang pagsabog sa restaurant ng naturang hotel.

Isang tao aniya ang kumpirmadong patay dito. (Agence France-Presse)