Pinakikilos ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pamahalaan upang baguhin na nito ang pagtugon sa ilang krisis sa ilalim ng sektor ng edukasyon.
Ginawa ng ACT ang panawagan kasunod ng lumabas na datus mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) kung saan umabot sa 53 na araw ang nawala mula sa aktuwal na pag-aaral ng mga bata dahil sa ibat ibang mga class disruption noong school year 2023-2024.
Ang mga naturang pagka-antala ay dahil sa iba’t ibang mga problema, kabilang na ang labis na mataas na heat index, at mga kalamidad.
Ayon sa ACT, ito ay sintomas ng malalang krisis sa edukasyon sa Pilipinas, kaakibat pa ng ibang mga problema sa ilalim ng public school system.
Bilang rekomendasyon, sinabi ng grupo na kailangang magkaroon na ng komprehensibong reporma sa naturang sektor.
Kinabibilangan ito ng pagtaas sa budget na nakalaan sa sektor ng edukasyon, maayos na programa para sa pagtatayo at pag-aayos sa mga eskwelahan, pag-hire ng mas maraming mga guro ay non-teaching personnel, at pagbawas sa mga administrative work ng mga guro.
Ayon sa grupo, kailangang simulan na ngayon ng pamahlaaan na ipatupad ang mga naturang reporma, upang matigil na ang sunod-sunod na problema sa sektor ng edukasyon na isa sa mga salik kung bakit mababa ang lebel ng komprehension ng mga mag-aaral.