![sws loop](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/04/sws-loop.png)
Nasa mahigit kalahati ng kabuuang bilang ng mga pamilyang Pilipino sa bansa ang nakatanggap ng tulong sa huling tatlong buwan ng taong 2022, ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Batay sa survey na isinagawa nito mula noong Disyembre 10 hanggang 14, ay lumalabas na 53% ng mga pamilyang Pilipino ang nakatanggap ng tulong.
Habang aabot naman sa 47% ang bilang ng mga pamilyang hindi nakatanggap ng anumang tulong sa kaparehong panahon.
Ayon sa naturang survey firm, mas mataas ang bilang ng mga pamilyang hindi nakatatanggap ng tulong sa Visayas na nakakuha ng 54%, kung ikukumpara sa Metro Manila, Luzon, at Mindanao na kapwa nakakuha ng 46%.
Tulong pinansyal ang kalimitang tulong na natatanggap ng mga ito na mayroong 32%, sinundan naman ito ng pagkain na mayroong 25%.
Habang ang ibang uri ng pagtulong na kinabibilangan naman ng mga non-food items, na sumusuporta sa mga pag-aaral at training, at iba pa ay nakakuha naman ng 2%.
60% naman ang mga nakatanggap ng tulong mula sa gobyerno, 37% ang mula sa mga kamag-anak, 11% mula sa mga kaibigan, 5% mula sa mga pribadong mga indibidwal, 3% mula sa private companies, 3% naman ang mula sa mga non-government organizations, at 1% naman ang mga tulong na nanggagaling sa mga religous groups.
Ayon pa sa SWS, 51% ng mga pamilyang Pilipino ang itinuturing ang kanilang mga sarili bilang mahirap, habang 31% naman ang sinasabing sila ay nasa “borderline”, at aabot naman sa 19% ang mga nagsabing sila ay hindi mahirap.
Ang naturang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 na mga Pilipinong may edad na 18 pataas mula sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.