TACLOBAN CITY – Ikinakabahala ng mga biktima ng supertyphoon Yolanda na inilipat sa mga resettlement sites sa northern barangays ng Tacloban ang seguridad ng kani-kanilang mga pamilya.
Ito’y dahil sa pagkakaroon ng mga bitak at sira sa mga housing units matapos ang 6.5 magnitude na lindol kahapon sa bahagi ng Eastern Visayas.
Ayon kay Chris Durana ng grupong KADAMAY o Kalipunan ng Damayang Mahihirap, sa ngayon ay aabot na sa 53 units ang nagkaroon ng damage sa Ridge View Park sa Tacloban North dahil sa naitalang malakas na lindol.
Dahil rito ay muling lumitaw ang matagal nang isyu sa diumano’y pagiging substandard ng mga pabahay at “Yolanda” resettlement sites.
Dagdag pa ni Durana na matagal na nila itong inirereklamo sa mga kinauukulan pero pilit lang daw itong pinagtatakpan at hindi inaaksyunan.
Panawagan ng mga residente na sa ngayon ay lubos pa rin ang takot matapos ang lindol, na siyasatin na ito ng city government at ng Department of Interior and Local Government upang masigurong ligtas ang lahat ng mga “Yolanda” survivors na nakatira sa mga relocation sites.
Maliban lamang sa Ridge View Park, naniniwala ang grupo na lahat ng mga “Yolanda” housing projects sa Tacloban ay nagkaroon ng parehong problema matapos ang nangyaring lindol.
Una nang na-terminate ang aabot sa 10 “Yolanda” housing developers at contractors sa Eastern Visayas matapos na mapatunayang substandard nga ang pagkakagawa sa mga pabahay.